Upang ipagdiwang ang Buwan ng Kasaysayan, idinaos ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Meycauayan ang Pangkasaysayang Kumbensyon 2024 na ginanap noong Agosto 26, 2024. Sentro ng programa ang patimpalak sa kausotang pangkasaysayan sa pormang cosplay.
Isa sa mga nagningning sa naturang kompetisyon ay si Alyssa Emery M. Berboso, Pangalawang Pangulo ng College Student Government (CSG) at isang 3rd-year student ng Bachelor of Science in Hospitality Management (BSHM) mula sa Polytechnic College of the City of Meycauayan (PCCM). Sa kanyang makabagbag-damdaming pagganap bilang si Josefa Llanes Escoda, nailarawan niya ang ganda at pagkamayumi ng pagiging Pilipina.
Bilang isang mag-aaral na may malasakit sa kasaysayan, malinaw ang layunin ni Alyssa sa kanyang pakikilahok sa patimpalak. “Isa sa naging inspirasyon ko ay para maibahagi sa mga kapwa ko ang kahalagahan na alamin ang pagkakakilanlan ng ating inang bayan, mga bayani na lumaban, at maipamalas ang kagalingan ng mga estudyante ng ating sintang paaralan,” ani ni Alyssa, na nagpapakita ng kanyang malalim na pag-unawa sa kahalagahan ng pagpapasa ng kaalaman sa kasaysayan mula sa isang henerasyon patungo sa susunod.
Napili ni Alyssa na gampanan si Josefa Llanes Escoda, isang bayaning kilala hindi lamang sa kanyang pagiging tagapagtatag ng Girl Scouts of the Philippines, kundi bilang isang simbolo ng katapangan at pagkakaisa ng mga kababaihan sa gitna ng digmaan. “Malugod na namangha ako sa kanya dahil pinaglaban niya ang mga kababaihan at hindi naging basehan ang kasarian para mamuno at magkaroon ng karapatan sa botohan,” dagdag niya. Para kay Alyssa, si Escoda ay isang huwaran ng modernong kababaihan—matapang, mapagmahal sa bayan, at handang ipaglaban ang karapatan ng bawat isa, anuman ang kasarian.
Dahil sa kanyang kahanga-hangang kasuotan at makatotohanang pagganap, nakamit ni Alyssa ang unang gantimpala. Ang tagumpay niyang ito ay higit pa sa personal na pagkilala—ito ay simbolo ng pagkilala at pagpapahalaga sa lahat ng kababaihang Pilipino.
Ni: John Carvin H. Bautista